
Alan-Peter-Cayetano
NATIONAL: Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa Senado na maging maingat at mapanuri sa pag-apruba ng isang resolusyon na naglalayong iakyat ang usapin ng China sa West Philippine Sea (WPS) sa United Nations General Assembly (UNGA), hanggang sa malaman ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil dito.
Ipinahayag ni Sen. Cayetano ang kanyang pananaw at layunin sa hindi pagsang-ayon sa agarang pag-apruba ng Senate Resolution 659.
Ayon kay Cayetano, hindi niya itinatanggi ang karapatan ng mga kapwa senador na magpasa ng nasabing resolusyon, subalit mariin niyang hinikayat na masusing talakayin muna ito sa komite bago magtungo sa mas mataas na antas ng aksyon, kung saan maaring maging bahagi nito ang Punong Ehekutibo.
Binigyang-diin ng senador na ang Supreme Court Ruling ay naglilinaw na ang pangangasiwa sa mga usapin ng foreign affairs ay nasa kapangyarihan ng Pangulo ng bansa. Sa kasalukuyan, wala pa silang natatanggap na impormasyon o plano mula sa Pangulo kaugnay ng West Philippine Sea issue.
Kasabay nito, ipinahayag ni Sen. Cayetano na katuwang niya ang mga kapwa senador at ang sambayanang Pilipino sa pagtindig para sa karapatan ng Pilipinas sa WPS. Gayunpaman, binanggit niya ang pangamba na ang pagdadala ng usapin sa UNGA ay maaaring magdulot ng di-kanais-nais na mga resulta.
Sa halip na agarang iakyat ang usapin sa UNGA, iginiit ni Cayetano ang mas matinong bilateral approach sa pagharap sa isyu ng WPS. Sa pamamagitan nito, masusugpo ang usaping ito sa pag-uusap ng Pilipinas at China, kung saan mas magiging personal at tumpak ang komunikasyon.
Binigyang-diin ni Senador Cayetano ang kahalagahan ng pagiging maingat at mapanuri sa pagtuklas ng solusyon sa isyu ng West Philippine Sea. Pinananatiling prayoridad ng mambabatas ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas at proteksyon sa karapatan ng mga mamamayan, at sa pamamagitan ng maayos na proseso at konsultasyon, magiging mas mabisang hakbang ito tungo sa tunay na kapayapaan at katarungan.